2 lalaki sinemento sa drum, tinapon sa ilog!
MANILA, Philippines — Dalawang bangkay ng tao na nakasemento sa loob ng magkahiwalay na drum ang natagpuang palutang-lutang sa ilog ng Labo, Camarines Norte kamakalawa ng umaga.
Nabatid na dakong alas-11 ng umaga nitong Lunes nang makatanggap ng tawag ang himpilan ng Labo MPS at Revitalized-Pulis Sa Barangay (R-PSB) Team-Daguit mula sa mga mangingisda tungkol sa dalawang drum na natagpuan sa Busig-on River, Brgy. Submakin, Labo, Camarines Norte.
Agad na nagtungo sa lugar ang Labo Municipal Police sa pangunguna ni PLt. Col. Augusto Manila Acop kasama ang mga tauhan ng 9IB, 9ID, PA; Camarines Norte Provincial Forensic Unit (CNPFU), Revitalized-Pulis sa Barangay (R-PSB) Team-Daguit, CN 2nd PMFC at RID5-RSOU upang iberipika ang tawag.
Bumulaga sa mga awtoridad ang mga ulo at sementadong katawan ng mga biktima sa dalawang magkahiwalay na drum.
Dakong alas-12 ng madaling araw ng Lunes nang unang maispatan ng mga mangingisda ang mga drum subalit hindi nila ito pinansin. Gayunman, alas-9:30 ng umaga na nang balikan ito ng mga mangingisda at mga pulis.
Inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng dalawang biktima at pinoproseso na ang forensic autopsy sa kanilang mga labi.
- Latest