Barilan sumiklab sa Laguna jail: 2 todas

Sa ulat ng pulisya, idineklarang dead-on-arrival sa Laguna Provincial Hospital si Jonathan Sombilla Buenviaje, 50-anyos, prison jail guard 1, residente ng Brgy. Maulawin, Pagsanjan, Laguna, dahil sa tama ng mga bala sa katawan.
File

LAGUNA, Philippines — Kapwa bulagta ang isang inmate at isang duty jail guard matapos ang naganap na barilan sa loob ng provincial jail sa lalawigang ito, kahapon ng umaga.

Sa ulat ng pulisya, idineklarang dead-on-arrival sa Laguna Provincial Hospital si Jonathan Sombilla Buenviaje, 50-anyos, prison jail guard 1, residente ng Brgy. Maulawin, Pagsanjan, Laguna, dahil sa tama ng mga bala sa katawan.

 Dead-on-the-spot naman sa crime site ang presong si Romnick Balbaran Estadilla, 32, taga-Barangay Ibabang San Roque, Liliw, Laguna.

Ayon kay Col. Harold Depositar, Laguna police director, nagpadala na ng duty investigators at mobile patrollers sa Laguna Provincial Jail matapos matanggap ang ulat na nagkaroon ng shooting incident sa loob ng nasabing piitan sa Barangay Poblacion 1, Santa Cruz, Laguna, dakong alas-9 ng umaga.

Sinabi ni Depositar, lumalabas sa imbestigasyon na habang naka-duty si Buenviaje bilang jail guard sa Dormitory #1 nang biglang sumulpot sa may likuran nito si Estadilla at agad na dinakma ang kanyang service firearm.

Matapos na makuha ang baril, agad pinaputukan ni Estadilla si Buenviaje ng maraming beses sanhi upang mabilis na rumesponde ang ibang duty guards at pinagbabaril na rin ang nasabing preso na duguang bumulagta.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang awtoridad upang matukoy ang motibo sa krimen.

Ang provincial jail ng Laguna ay nasa ilalim ng Bureau of the Jail and Management Peno­logy (BJMP) na may superbisyon ng Laguna local go­vernment.

Show comments