3 binatilyong drug courier nasagip ng PDEA
MALOLOS CITY, Philippines — Nailigtas sa tiyak na kapamahakan ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Central Luzon ang tatlong menor-de-edad na ginagamit ng sindikato ng droga bilang mga drug courier sa lungsod ng San Jose del Monte kamakalawa ng hapon.
Nailigtas ang tatlong bata nasa edad 12 hanggang 13, matapos magsagawa ang PDEA-3 ng buy-bust sa Pleasant Hill Subdivision, Barangay San Manuel sa naturang lungsod sa isang alyas “Abdul”.
Sa kabila ng pag-entrap sa nasabing suspek tatlong binatilyo ang lumitaw at nagdala umano ng 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P680,000 sa mga operatiba ng PDEA.
Base sa imbestigasyon, inatasan umano ni Abdul ang tatlong binatilyo na bitbitin ang droga at nangakong babayaran sila.
Ang mga batang lalaki ay nakatakdang i-turn over sa City Social Welfare and Development Office.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 si Abdul na pinaghahanap pa rin ng mga awtoridad.
- Latest