2 ‘tulak’ bulagta sa buy-bust
MALOLOS CITY, Bulacan , Philippines — Dalawang umano’y tulak ng ipinagbabawal na gamot ang napatay ng mga awtoridad habang 9 na adik ang naaresto sa magkakahiwalay na buy- bust operation sa lalawigan.
Kinilala ni P/Col. Chito Bersaluna, Bulacan Police director ang napatay na sina alyas Bong Retuya, kabilang sa listahan ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) at isang Edwin Domingo, 42.
Si alyas Bong ay napatay matapos na makipagbarilan sa mga pulis dakong alas-10:30 kamakalawa ng gabi sa Purok 4, Brgy. Sampaloc, San Rafael sa isinagawang buy-bust operation.
Narekober dito ang 8 plastic sachet ng shabu, isang cal .45 pistol, isang black Honda Wave motorcycle at buy-bust money.
Nakatunog naman si Edwin na isang police asset ang ka-transaksyon sa bentahan ng droga sanhi ng shootout na ikinamatay ng suspek dakong ala-1:00 ng madaling araw kahapon sa Brgy. Muzon, San Jose del Monte City. Narekober dito ang 15 plastic sachets ng shabu, 1 cal .38 revolver, 1 MIO Sporty motorcycle at buy- bust money.
Samantala, 9 na mga drug users kabilang ang isang 16-anyos na babae ang naaresto ng Bulacan Police sa iba’t ibang bayan sa Bulacan.
- Latest