Magsasaka timbog sa 3 baril
TALAVERA, Nueva Ecija , Philippines — Kalaboso ang isang magsasaka matapos na mahulihan ng tatlong hindi lisensyadong baril sa Brgy. Sicsican Matanda sa bayang ito, kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni P/Supt. Alexie Desamito, hepe ng Talavera Police, ang suspek na si Ronnie Novesteras, 46, may-asawa, ng nasabing lugar.
Matapos mabigong magpakita ng mga lehitimong dokumento, inaresto si Novesteras sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Judge Fraziervin Vitervo, executive judge ng Regional Trial Court (RTC) Guimba Branch 33.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang M16 armalite rifle, isang kalibre .45 pistola at isang kalibre .22 revolver. Bukod sa mga baril, nakuha rin sa kanyang pag-iingat ang iba’t ibang mga bala at military paraphernalia kabilang ang bandolier.
Magsasagawa naman si Desamito ng malalimang imbestigasyon upang alamin kung papaanong ang isang karaniwang magsasaka na tulad ni Novesteras ay nakapag-imbak ng ganoong karaming uri ng mga baril.
- Latest