2 patay sa kidlat

MANILA, Philippines - Dalawa-katao kabilang ang security guard  ang iniulat na namatay makaraang tamaan ng kidlat sa magkakahiwalay na insidente sa Toledo City, Cebu noong Miyerkules ng hapon. Kinilala ni SPO4 Carmelito Hornales ng Toledo City PNP ang mga biktima na sina Marite Lavajo, 30;  at Victoriano Macagay, 24, sekyu at kapwa nakatira sa  nasabing lungsod. Ayon kay Hornales, naglalaba si Lavajo sa Sitio Bawod, Brgy. Magdugo nang tamaan ito ng kidlat sa gitna na rin ng pagbuhos ng ulan. Sa tindi ng tinamong sunog sa katawan partikular na sa leeg ay namatay kaagad si Lavajo. Samantala sa kanugnog na Barangay Biga namang nakaupo sa harapan ng kanilang tahanan si Macagay nang biglang kumulog at tamaan ito ng kidlat. Nagawa pang maisugod si Macagay sa pinakamalapit na pagamutan pero idineklarang patay.

Show comments