2 pisak sa bus, trak

TUGUEGARAO CITY, Philippines - Kalunus-lunos na kamata­yan ang sinapit ng dalawang bikers matapos mahagip ng bus at mapisak ng trak sa magkahiwalay na sakuna sa bayan ng Quezon at Cauayan City, Isabela kamakalawa.

Kinilala ang dalawa na sina George Narciso, 43, assistant city agriculturist ng Tabuk City sa Kalinga at John Fei Casilen, 29, network salesman, ng Barangay District 1, Cauayan City.

Lumilitaw na nahagip ang motorsiklo ni Narciso ng passenger van ni Eduardo Salvador 48, sa highway sa Barangay Abut, Quezon kung saan nasagasaan at nakaladkad ng bus ni Michael Batag, 24.

Sa Cauayan City, nasal­pok naman ang motorsiklo ni Casilen ng trak ni Frederick Regonton, 38, sa Barangay District 1.

Tumilapon ang biktima sa gitna ng kalsada kung saan nasagasaan naman ng isa pang truck ni Arnold Tolentino, 34, ng Barangay Sillawit.

Sumuko naman sa pulisya ang apat na driver na nasangkot sa sakuna.

Show comments