52 bahay winasak ng buhawi

MANILA, Philippines - Umaabot sa 52 kabahayan ang nawasak matapos manalasa ng buhawi at flashflood  sa dalawang barangay sa mga bayan ng Norala at Tupi, South Cotabato noong Lunes ng hapon. Sa ulat ng Office of Civil Defense Central Mindanao, nasa 27 kabahayan at silungan sa mga taniman ang nawasak ng buhawi sa dalawang barangay sa bayan ng Norala. Samantala, aabot sa 25 namang kabahayan ang nasira habang nabuwal naman ang ilang punongkahoy sa pananalasa ng flashflood sa bayan ng Tupi. Bandang alas-3 ng hapon nang magulantang ang mga residente sa pagragasa ng baha sa mga Barangay Matapol at Simsiman na tumagal ng mahigit isang oras at kalahati sanhi ng pagbuhos ng ulan. Namahagi na ng relief goods ang lokal na pamahalaan para sa mga naapektuhang residente.

Show comments