Chairman, kagawad dinedo sa birthday party

NUEVA ECIJA, Philippines – Na­patay ang dalawang opisyal ng barangay makaraang pagbabarilin ng magsasaka na nag-amok sa birthday party sa Barangay Alalay Chica, sa bayan ng Lupao, Nueva Ecija noong Lunes ng gabi.

Kinilala ni P/Senior Supt. Manuel Lukban, ang mga napaslang na sina Chairman Elpidio Gamit, 50; at Kagawad Jerry Verdillo, kap­wa nakatira sa Ba­rangay Alalay Chica.

Nabatid na sina Gamit at Verdillo ay kapwa taga­suporta nina Nueva Ecija Gov. Aurelio Umali at Lupao Mayor Richard Ramos.

Arestado at pormal na kinasuhan ang suspek na si Pedrito Dicipulo, 58. Nabatid na magkakasamang nag-iinuman ang mga biktima at suspek sa birthday party nang umalis sa umpukan ng mga umiinom si Dicipulo.

Nang bumalik ang suspek na lango na sa alak ay pinagbabaril ang mga biktima.

Naisugod pa sa Sacred Heart Hospital sa San Jose City subalit idineklarang patay si Verdillo habang si Gamit naman ay nasawi habang isinusugod sa ospital sa Cabanatuan City.

Pinaniniwalaang awa­yan ng mga anak nina Verdillo at Dicipulo ang nakaapekto na rin sa kani-kanilang mga magulang.

Show comments