Tsuper pisak sa truck
CAVITE, Philippines – Napisak ang katawan ng isang 46 anyos na driver makaraan itong aksidenteng maatrasan ng truck sa bayan ng Carmona, Cavite kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Cavite Provincial Police Office Director Sr. Supt. John Bulalacao ang biktima na si Severino Capagcuan, may-asawa at residente ng Loyola’s Compound, Brgy. Bancal ng bayang ito.
Agad namang naaresto ang suspek na nakilalang si Jerry Radiles, 32, driver, ng Sta. Rosa, Nueva Ecija, kasalukuyang stay-in sa Warehouse No. 5, Commercial Complex, Brgy. Salawag, Paliparan III, Dasmariñas City.
Sa imbestigasyon ni PO2 Marcelo Bersamina, may hawak ng kaso dakong alas- 5 ng hapon ng maganap ang insidente sa kahabaan ng Governor’s Drive, Brgy. Bancal ng nasabing bayan habang minamaneho ng suspek ang Isuzu truck na may plakang GJY-945 na nakarehistro sa pangalan ng negosyanteng si Henry Ramirez Bangco.
Hindi umano napansin ng driver na nakatayo sa likuran ng truck ang biktima na aksidente nitong naatrasan. Nahaharap ngayon sa kasong kriminal ang driver ng truck.
- Latest
- Trending