Kuya kinatay ni bunso

KIDAPAWAN CITY, Philippines - Dahilan sa alitan sa pamanang lupain ng kanilang namayapang mga magulang, pinagtataga hanggang sa mapatay ng isang lalaki ang nakatatanda nitong kapatid sa malagim na insidente sa bayan ng Santa Maria, Davao del Sur kamakalawa.

Agad binawian ng buhay sa tinamong sampung malalalim na taga sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktimang kinilalang si Elias Bayot, 34 anyos.

Arestado naman ng mga nagrespondeng mga awtoridad ang suspek na si Julian Bayot.

Batay sa ulat, galit na kinompronta ng suspek ang kaniyang kuya dahilan umano sa hindi patas na hatian sa pamanang lupain ng kanilang yumaong mga magulang.

Ikinatwiran naman ng biktima na siya ang mas matanda kaya dapat ay lamang siya sa hatian.

Dahil sa matinding sama ng loob, kinuha ng suspek ang bagong hasang itak sa kanilang kusina at pinagtataga ang kaniyang kuya hanggang sa duguan itong bumulagta.

Sinampahan na ng pulisya ng kasong parricide ang suspek matapos itong maaresto noong Biyernes.

Show comments