Jailbreak: 6 preso pumuga

TUGUEGARAO CITY, Philippines – Anim na kilabot na high profile inmates mula sa Cagayan Provincial Jail ang iniulat na nakapuga kahapon ng umaga.

Ayon kay Cagayan PNP director P/Senior Supt. Mao Aplasca, kabilang sa mga pumuga ay sina Vincent Badajos, Jong Romero, Kevin Chua, Christopher Tazi, Harris Tazi at si Agustin Cauilan na sinasabing may mga kasong robbery, carnapping, frustrated murder at murder.

Lumilitaw na natiyempuhan ng mga preso ang ilang jailguard na pumasok sa selda bago tinutukan ng baril.

Tumakas ang anim sa pamamagitan ng dalawang traysikel na nag-aabang sa labas ng piitan habang inilatag naman ng pulisya ang ilang checkpoint sa Cagayan Valley sa utos na rin ni P/Chief Supt. Rodrigo de Gracia, regional PNP director. Inihayag naman ni Cagayan Gov. Alvaro Antonio na magbibigay siya ng P.1 mil­yong pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng mga pugante.

Sumasailalim na sa imbestigasyon ang ilang jailguard na pinaniniwalaang masisibak sa puwesto at sasampahan ng kaukulang kaso kapag napatunayang nagpabaya sa tungkulin. Raymund Catindig at Ricky Tulipat

Show comments