Mister dedo sa pulis

RIZAL, Philippines – Napaslang ang isang 43-anyos na lalaki na sinasabing nang-agaw ng baril makaraang mabaril ng pulis na rumesponde sa naganap na sakuna bisinidad ng C. Reyes Street sa Barangay San Rafael sa bayan ng Rodriguez, Rizal kamakalawa ng gabi.

Dalawang bala sa leeg at dibdib ang tumapos sa buhay ni Ricardo Alejandro ng #713 -C,  San Pascual Street sa Brgy. Geronimo.

Dinisarmahan at kasalukuyang iniimbestigahan ang suspek na si PO2 Rene Eufracio, 37,  nakatalaga sa Rodriguez PNP, at residente ng Brgy. San Rafael.

Sa ulat ni PO2 Florante Moreno, nabatid na rumes­ponde si PO2 Eufracio sa sakuna na kinasasangkutan ng biktima at isang motorsiklo.

Tinangka naman ayusin ng suspek ang naganap na aksidente subalit nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa agawin ng biktima ang baril ng una.

Dito na nagpambuno ang dalawa hanggang sa mapatay ang biktima.

Show comments