Pulis pinabulagta ni misis

NUEVA VIZCAYA, Philippines — Napaslang ang isang 39-anyos na pulis matapos na pagbabarilin ng kanyang selosang misis sa loob ng kanilang tahanan sa Cauayan City, Isabela kamakalawa ng gabi.

Limang tama ng bala sa tiyan, hita, at ulo ang tumapos sa buhay ni PO3 Herminio Dalog na nakatalaga sa Cauayan City PNP.

Arestado at pormal naman kakasuhan ng pulisya ang suspek na si Celia Dalog, tubong Calamba City, Laguna.

Base sa police report, naganap ang pamamaslang sa loob ng bahay ng mag-asawa sa Barangay District 3 bandang alas-8 ng gabi.

Nabatid na nagtalo ang mag-asawa dahil sa pag-aakala ng babae na may kerida ang kanyang mister na pulis dahil karamihan sa mga pulis ay may mga kabit na sinusustentuhan.

Dahil sa patuloy na kakatalak ng kaniyang misis, nainis si PO3 Dalog at nagpasyang umalis pansamantala sa kanilang tahanan.

Gayon pa man, pinigilan ng misis kaya itinulak ni PO3 Dalog ang kanyang misis kung saan bumagsak sa semento sa harapan ng kanilang bahay.

Kasunod nito agad na tumayo ang misis at kinuha ang cal. 9mm pistola ng kanyang mister na nakalapag sa upuan sa sala saka ipinutok nang sunud-sunod hanggang sa duguang bumulagta ang pulis.

Show comments