3 minero nalasog sa bomba

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines   — Nagka­lasug-lasog ang katawan ng tatlong minero makaraang sumabog ang bom­ba na kanilang kinukompuni kamakalawa ng hapon sa Bagong Sirang, Barangay Panique sa ba­yan ng Aroroy, Masbate.

Ka­bilang sa mga namatay ay ang mag-utol na sina Re­je Refil, 25; Willy Refil, at si Raymund Relos, 20, pawang nakatira sa nabanggit na barangay.

Ayon kay P/Senior Supt. Thomas Simeniano, naganap ang pagsabog dakong alas-3:30 ng hapon habang ang tatlo ay gumagawa ng bomba na gagamitin sa pagmimina.

Isa si Mylene Galo ang nakitang biglang may kumislap sa loob ng bahay ng mga biktima bago umali­ngawngaw ang malakas na pagsa­bog kung saan nawasak ang dingding ng bahay.

Mabilis naman sumaklolo ang mga kapitbahay para tulungan ang mga biktima subalit animo’y binagsakan ng bomba ang kanilang bahay.

Narekober ng pulisya ang mga blasting cap, detonating cord, explosive powder at iba pang sangkap na paggawa ng pampasabog na pinaniniwalaang gamit sa iligal na pagmimina.

Show comments