Mag-ama dedo sa landslide

CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines – Magkasamang kina­rit ni kamatayan ang mag-ama habang sugatan na­man ang tatlo nitong kapamilya makaraang matabunan ng gumuhong lupa ang kanilang bahay sa Barangay Ana­haw 1 sa bayan ng Silang, Cavite kahapon ng umaga.

Nahukay din ang mga bangkay nina Allan Borromeo, 27, construction worker at Ariella Borromeo, 4, kapwa naka­tira sa Block 1 Excess Lot, ng nabanggit na barangay.

Naisugod naman sa Mazenod Hospital ang ka-live-in ni Allan na Joan Andahaw, 27; at mga anak nitong sina  Angel, 7 at Angela, 1.

Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Alfred Corpuz, lumilitaw na magkakatabing natutulog ang pamilya Borromeo nang dumagundong at dumausdos ang lupa at graba mula sa bundok malapit sa kanilang bahay bandang alas-5:45 ng umaga

“Magdamag kasing umuulan kaya lumambot ang lupa hanggang gumuho at matabunan ang mag-anak sa loob ng kanilang bahay,” pahayag ni Corpuz.

Base sa tala, nasawi rin ang mag-utol na sina Nancy Nierves, 5; at Nerissa, 3, matapos matabunan din ang kani­lang bahay ng gumuhong lupa sa Sitio Kamkaman, Brgy. Real, Calamba City, Laguna noong nakaraang linggo ng gabi. (Arnell Ozaeta at Cristina Timbang)

Show comments