Holdaper dedo sa pulis

SANTIAGO CITY, Philippines – Kamatayan ang sumalubong sa isang miyembro ng notoryus na robbery/holdup gang makaraang mabaril ng isang bagitong pulis sa loob ng pampasaherong bus sa highway ng Purok Nieto, Brgy. Batal sa Santiago City, Isabela kamakalawa.

Idineklarang patay sa Sanitarium Hospital si Julito de Leon ng Cabarroquis, Quirino habang sugatan namang nadakip ang kasamahan nitong si Jun Pascual ng Plaridel, Bulacan. Lumilitaw na bumabagtas sa nasabing lugar ang Victory Liner Bus (CVP-393)  patungong Cagayan mula sa Maynila nang magdeklara ng holdap ang mga suspek.

Nagkataon namang lulan ng bus si PO2 Virgo Simon ng Dupax del Sur  sa Nueva Vizcaya na agad nakipagbarilan sa mga holdaper.

Wala namang naiulat na nasugatan sa mga pasahero ng bus sa naganap na shootout.

Narekober sa pinangyarihan ng shootout ang dalawang baril at hindi pa madeterminang halaga at iba’t ibang uri ng celpon. Victor Martin

Show comments