P1 milyon sa ulo ni ex-Vice Governor Recto

BATANGAS, Philippines – Magbi­bigay ng P1-milyong pa­buya ang kampo ni ex-Ba­tangas Governor Armand Sanchez sa sinumang ma­kakapagbigay ng impor­masyon para sa ikadarakip ni ex-Batangas Vice Governor Richard “Ricky” Recto sa kasong double murder.

Nagbunsod ang aksyon ng kampo ni Sanchez ma­tapos magpalabas ng warrant of arrest si Judge Ru­ben Galvez ng Batangas Re­gional Trial Court Branch 3 kamakalawa laban kay Recto kaugnay sa 2006 bomb attack sa dating go­bernador.

Ayon kay Atty. Ferdi­nand Topacio, magbibigay din si Sanchez ng P.5 mil­yong pabuya sa ikadarakip na­man nina Atty. Christopher Belmonte, Christina Antonio, anak ni Cagayan Governor Alvaro Antonio at ni Bettina Balderama.

Inakusahan si Recto, kabilang na sina Belmonte, Antonio, Balderama, 1Lt. Angelbert Gay at Lt. Senior Grade Kiram Sadava ng kasong double murder at frustrated murder sa tang­kang pagpatay kay San­chez.

Matatandaang nalap­nos ang mukha at katawan ni Sanchez matapos pasa­bugin ang sinasakyan nitong Hummer H2 habang nasa loob ng capitol compound noong Hunyo 1, 2006 na ikinamatay ng kanyang driver at bodyguard na sina Luisito Icaro at P02 Eric Landicho.

Sinubukan namang ihain ng CIDG ang warrant of arrest kay Recto sa bahay nito kahapon sa Lipa City pero hindi na ito ma­tagpuan.

Si Ricky Recto ay ba­yaw ni Ba­tangas Govenor Vilma Santos at naka­ta­tandang kapatid ni National Economic Development Authority Secretary Ralph Recto. Arnell Ozaeta

Show comments