Naospital na kabit ni misis tinodas ni mister

MANILA, Philippines - Umabot na sa sukdulan ang pagtitimpi ng isang retira­dong sundalo nang paslangin sa saksak ang isang pas­yente nang maaktuhan ang kaniyang misis na binaban­tayan ang sinasabing kalaguyo nito sa Northern Mindanao Medical Center sa Baungon, Bukidnon kamakalawa.

Apat na saksak sa dibdib at leeg ang tumapos sa buhay ni Rolando Ubial, 47 taong gulang, residente ng Barangay Liboran sa Baungon.

Nadakip naman ang salarin na si dating Sarhento Romeo Llagas, residente ng Cagayan de Oro City.

Nauna rito, naabutan ni Llagas ang kanyang asawa sa tabi ni Ubial na nakaratay sa naturang pagamutan matapos itong maaksidente sa motorsiklo.

Sinabi ni Llagas na nagdilim ang kanyang paningin nang makita ang pag-aasikaso ng naglalambing pa niyang misis kay Ubial kaya agad niya itong dinaluhong ng saksak sa tindi ng galit.

Ayon kay Llagas, matagal na niyang naririnig na may lihim na relasyon sa kanyang asawa si Ubial.

Nakumpirma niya ito nang mismong mga anak niya ang nagsabi na dinadala ng kanyang ginang ang biktima sa kanilang bahay tuwing umaalis siya at nagkukulong umano sa kuwarto ang dalawa.

Ilang beses na rin anyang natulog sa kanilang bahay ang biktima habang siya ay nasa trabaho. (Joy Cantos)

Show comments