Barangay kagawad itinumba sa tindahan

BALANGA CITY, Bataan May posibilidad na alitang personal ang naging ugat kaya binaril at napatay ang isang 29-anyos na barangay kagawad ng utol ng dating municipal councilor sa naganap na karahasan sa Lerma Street, Barangay Ibaba, Bagac sa bayang ito kamakalawa ng gabi.

Ang biktimang tinamaan ng bala ng baril sa kaliwang braso na naglagos sa dibdib ay nakilalang si Venerando Mendoza. Sinikap namang isugod ang biktima sa Bagac Community Medicare Hospital, subalit idineklarang patay.

Agad namang tumakas ang suspek na si Ato Flores, 54, may asawa, mangingisda at residente ng Sitio Salaman, Barangay Pag-asa, Bagac at kapatid ni ex-Bagac councilor Jaime Flores.

Base sa pagsisiyasat ng pulisya na isinumite kay Senior Superintendent Sahiron D. Salim, Bataan police director, sakay ng traysikel ang suspek na may dalang dalawang baril at bumaba sa harapan ng tindahang pag-aari ng biktima.

Bandang alas-7:45 ng gabi nang upakan ng putok ng suspek ang biktimang nakatayo sa loob ng tindahan.

May teorya ang pulisya na matinding alitang personal ang namagitan sa dalawa habang tinutugis naman ang suspek. (Ulat ni Jonie Calaparan)

Show comments