Duwelo: Magkaibigan dedo

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Nasawi ang matalik na magkaibigan makaraang magbarilan dahil hindi nagkasundo sa isyung pulitika kamakalawa ng gabi sa Barangay Poblacion, Balud, Masbate.

Kapwa hindi na umabot ng buhay sa Balud Municipal Hospital ang mga biktimang sina: Antonio Amaldo, 35, may asawa, jobless, at Marvin Altavano, 38, drayber at residente ng Barangay Iraya ng naturang bayan.

Naitala ng pulisya ang insidente dakong alas-7:30 ng gabi habang magkasamang nag-iinuman ng alak sa bahay ng isa sa kanilang kaibigan.

Ayon pa sa ulat, habang nag-iinuman ang dalawa ay nauwi sa pagtatalo tungkol sa kanilang sinuportahang kandidato noong nakalipas na eleksyon.

Dahil sa kapwa senglot ay nagkasigawan ang magkaibigan sa pinagtalunang isyung pulitika hanggang sa kapwa magbunot ng kanilang baril.

Hindi naman maawat ng ibang nakasaksi sa insidente ang dalawa hanggang sa umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril at duguang bumulagta ang magkaibigan na kapwa napuruhan. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments