Doktor patay sa ambus

CAMP PANTALEON GARCIA, Imus – Tinambangan at napatay ang isang doktor ng hindi kilalang armadong lalaki sa kahabaan ng Aguinaldo Highway sa Barangay Anabu Dos kahapon.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa University Medical Center sa Dasmariñas si Dr. Engelbert "Engel" Sequesca, resident physician sa St. Dominic Hospital sa bayan ng Bacoor at naninirahan sa Liwayway Subdivision, Anabu 1-C, Imus, Cavite.

Sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, ang biktima ay kalalabas pa lamang ng pinapasukang ospital sakay ng kanyang kotseng Toyota (TRV-683) ay nilapitan ng nag-iisang armadong lalaki.

Tyenempuhan ng killer na nakatigil ang kotse ng biktima sa harap ng Metro Cavite Dialysis Center sa kahabaan ng naturang highway saka isinagawa ang krimen dakong alas-12:15 ng tanghali.

Napag-alaman sa ilang nakasaksi sa pangyayari, kahit na sugatan ang biktima ay pinilit pa nitong patakbuhin ang kotse subalit sinundan pa ng killer at sunud-sunod na pinaputukan.

Sumadsad sa tatlong sasakyang nakaparada ang kotse ng biktima bago tuluyang huminto may 30 metro ang layo mula sa Dialysis Center.

Nabatid naman kay Rey Barco na nakaligtas sa unang pananambang ang kanyang bayaw noong nakalipas na taon sa kahabaan ng City Homes, Dasmariñas, Cavite.

May palagay si Barco na ang killer noong unang pananambang ay siya ring utak sa ambus ng kanyang bayaw kahapon. (Ulat ni Cristina Go Timbang)

Show comments