Utol ni Marohombsar naaresto

Hindi man nahuli ang kanilang talagang target, nakapuntos na rin ang militar matapos na maaresto ang kapatid at umano’y kanang kamay ni Pentagon KFR leader Faisal Marahombsar sa isinagawang operasyon, kahapon sa lalawigan ng Lanao del Sur.

Kinilala ang naarestong suspek na si Ismael Marahombsar, isa sa mataas na lider ng Pentagon KFR.

Base sa sketchy report, naaresto ang suspek sa isinagawang operasyon ng mga tauhan ng Philippine Army sa bayan ng Balabang, Lanao del Sur. Isang impormasyon ang natanggap ng militar sa kanilang mga impormante ukol sa presensya ni Ismael sa naturang lugar.

Nadakip ang suspek nang matiyempuhan ito ng mga awtoridad matapos na ituro ng kanilang asset na gumagala sa nabanggit na lugar.

Si Ismael ang sinasabing responsable sa pagdukot kay Enrico Pelaez, anak ni dating Vice President Emmanuel Pelaez noong Nobyembre 2001.

Kasalukuyan namang sumasailalim sa isang tactical interrogation ng mga militar ang naarestong suspek habang patuloy naman ang isinasagawang manhunt operations sa nakatakas na lider nito. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments