Vice-mayor grabe sa ambush

TACLOBAN CITY – Nasa kritikal na kondisyon ngayon ang bise-alkalde ng Lavezares, Northern Samar, habang nakaligtas naman ang kanyang dalawang kasamahan nito matapos na tambangan ng dalawang hindi pa nakikilalang mga salarin kamakalawa ng gabi sa Barangay Dalakit, Catarman, Northern Samar.

Nakilala ang biktimang bise-alkalde na si Armando Chan na nagtamo ng apat na tama ng bala ng baril sa katawan. Ito ay sinasabing nasa kritikal ngayong kalagayan sa Northern Samar Provincial Hospital.

Nabatid na ang biktima at dalawa pa nitong kasamahan ay pauwi na sa bayan ng Lavezares ng ito ay tambangan ng dalawang hindi nakikilalang salarin.

Hindi pa matiyak ng pulisya kung ano ang posibleng motibo sa isinagawang pamamaril, gayunman malaki ang hinala ng mga kaanak nito na may kinalaman ito sa pulitika.

Isang masusing imbestigasyon pa ang isinasagawa ng mga awtoridad ukol dito. (Ulat ni Nestor Abrematea)

Show comments