Jail guard inutas, inmate todas din

MANILA, Philippines — Isang preso at isang jail guard ang kapwa nasawi sa naganap na barilan sa loob ng provincial jail sa Sta. Cruz, Laguna, kahapon ng umaga.

Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang biktimang si Jonathan Sombilla Buenviaje, 50, prison jail guard 1, residente ng Brgy. Maulawin, Pagsanjan, Laguna dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan.

Habang namatay noon din ang inmate na si Romnic­k Balbaran Estadilla, 32, resi­dente ng Brgy. Ibabang San Roque, Liliw, Laguna.

Ayon kay P/Col. Harold Depositar, Laguna police­ director, alas-9:00 ng umaga­ ay rumesponde ang kanyang mga tauhan nang ma­katanggap ng tawag na may nagaganap na barilan sa loob ng provincial jail na mata­tagpuan sa Brgy. Poblacion 1, Santa Cruz, Laguna.

Lumalabas na ang biktimang si Buenviaje ay magdu-duty na bilang jail guard sa Dormitory #1 nang mula sa likuran ay sumulpot si Estadilla at puwersahang kinuha ang kanyang baril at pinagbabaril ito ng maraming beses sa katawan.

Nakita ito ng ilang naka-duty na jail guard at pinutukan si Estadilla na agad na nasawi noon din.Patuloy ang imbestigasyon sa motibo ng krimen.

Show comments