Taas-pasahe ng LRT-1 at LRT-2, epektibo bukas

Early commuters board the newly deployed 4th generation train set of the Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at various stations in Manila before dawn on July 21, 2023.
STAR/Miguel De Guzman

MANILA, Philippines — Ipapatupad na ng Light Rail Manila Corporation ang bagong pa­sahe sa LRT-1 at LRT-2 simula August 2, matapos aprubahan ng Department of Transportation (DOTr) ang petisyon nito noong Hunyo.

Batay sa desisyon ng Rail Regulatory Unit ng DOTr, ang pasahe sa LRT-1 ay magiging P13.29 ang boarding fare na may P1.21 na distance fare sa bawat kilometro, mula sa kasalukuyang boarding fare na P11 at may distance fare sa bawat kilometro.

Bunsod nito, magla­laro na sa P14 hanggang P35 ang pasahe para sa mga gumagamit ng Stored Value Card, habang P15 hanggang P35 naman ang pasahe para naman sa mga gumagamit ng Single Journey Card.

Sinabi naman ng DOTr na mula sa kasalukuyang P12 minimum na pamasahe sa stored value o beep card ng LRT-2, ay magiging P14 na ito.

Magiging P33 naman ang maximum fare mula Recto Station hanggang Antipolo Station, mula sa dating P28.

Kung gagamit anila ng SJT ang pasahero, mananatili sa P15 ang minimum fare habang P35 ang maximum fare mula sa kasalukuyang P30.

Nabatid na taong 2015 pa ng huling inaprubahan ang fare adjustment para sa naturang rail lines.

Magbibigay pa rin ng 20% discount sa mga pasaherong senior citi­zen, person with disabi­lity (PWD) at mga estud­yante.

Show comments