‘Total deployment’ ban sa Kuwait ‘di sinang-ayunan ni Marcos

MANILA, Philippines — Hindi sinang-ayunan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang magpatupad ng total ban sa pagpapadala ng mga manggagawang Pinoy sa Kuwait dahil sa pagpapa­tupad ng nasabing bansa sa suspensyon ng pagbibigay ng visa sa mga bagong OFW.

Ani Marcos, hindi siya komportable sa desisyong tuluyang ihinto ang deployment ng overseas Filipino workers sa Kuwait.

“I don’t want to burn any bridges na sasabihin na baka in the future, baka in a little while, a few months from now, a year from now, sasabihin magbago ang sitwasyon, eh baka pwede pa tayong magpadala ulit ng ating mga workers sa Kuwait,” sinabi ng Pangulo.

“Kaya, I don’t know, yung sometimes over­reaction yung iba, basta’t ban lang tayo ng ban, hindi naman tama,” dagdag pa ni Marcos.

Matatandaan na nga­yong buwan ay nagpatupad ang pamahalaan ng Kuwait ng entry ban sa mga Pilipino na walang residence permit dahil umano sa hindi pagtalima ng bansa sa napagkasunduan.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), posibleng ito ay dahil sa pagbuo ng mga resource center ng Pilipinas sa nasabing bansa.

Bilang tugon sa hakbang ng Kuwait, ipinanukala ng isang mambabatas ang total deployment ban ng Filipino workers sa Kuwait.

“Hindi kami (Kuwait) nagkakasundo dahil sinasabi nila may paglalabag daw tayo sa kanilang mga rules, wala naman kaming nakikita, kaya’t yan ang naging situation,” sinabi ni Marcos.

Sa ngayon ay nasa 800 Pinoy workers na ang apek­tado ng entry ban.

Show comments