Marcos pinapa-calibrate sa DSWD ang implementasyon ng 4Ps
MANILA, Philippines — “Continue calibrting the Pantawid Pamilyang Pilipino Program and strengthening the government’s social protection initiatives, especially since one of the measures we undertake to address poverty is through the grants that we provide for the health needs of every household and education of our children”.
Ito ang naging kautusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na paigtingin pa ang implementasyon ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Sa talumpati ng Pangulo sa ika 72nd founding anniversary ng DSWD sa Quezon City, sinabi nito na hindi maikakaila na ang 4Ps ang naging pantawid ng mga pamilyang Pilipino sa kasagsagan ng pandemya sa COVID-19.
Ang 4Ps din ayon sa Pangulo ang umagapay nang tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin dahil sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Bukod dito ay inatasan din ng Pangulo ang DSWD na paigtingin pa ang social pension ng mga indigent senior citizen sa Pilipinas.
Nakapaloob na sa 2023 national budget ang P50 bilyong pondo para sa pensyon ng mga senior citizen.
Nasa 4.1 milyong senior citizen ang makikinabang sa naturang programa.
Utos din ng Pangulo, tiyakin na naipapaabot sa malalayong lugar ang serbisyo publiko ng pamahalaan.
Kasabay nito, binigyang pagkilala ng Pangulo ang mga tauhan ng DSWD.
- Latest