Binata dinakip sa pag-vape
MANILA, Philippines — Dinakip ng mga operatiba ng pulisya ang isang 21-anyos na binata nang mahuling gumagamit ng vape o electronic cigarette sa isang pampublikong lugar sa kahabaan ng Quezon Avenue, Brgy. 1, Lucena City, Quezon, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasakoteng suspect na si Joseph Bobis Victucio, ng Lot 22, Block 11, West Employee Village, Brgy. Gulang-Gulang ng lungsod.
Una rito, ipinag-utos ni PNP Office-in-Charge Police Lt. Gen. Archie Gamboa ang pag-aresto sa mga gumagamit ng vape o electronic cigarette dahilan sa masama ang epekto nito sa kalusugan.
Matapos namang maiproseso sa himpilan ng pulisya tulad ng pag-blotter ay agad ding pinakawalan ng mga operatiba ang nasabing pasaway na binata pero kinumpiska ang vape nito.
Hinihintay naman ng PNP ang panibagong executive order na iisyu ng palasyo ng Malacañang upang maaresto at maikulong ang mga lalabag sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
- Latest