‘Mistah’ ni Albayalde OIC sa pNP
MANILA, Philippines — Pumalit kahapon ang kaklase o “mistah” ni General Oscar Albayalde sa Philippine Military Academy bilang officer-in-charge (OIC) ng Philippine National Police (PNP) matapos bumaba sa puwesto, tatlong linggo bago sumapit ang mandatory retirement nito.
Si Police Lt. Gen. Archie Gamboa, na nagsilbi bilang commander ng PNP National Security Task Force sa nakalipas na 2019 midterm elections ay mula sa PMA Sinagtala Class of 1986, kasama sina Albayalde at PNP Deputy Chief for Operations Lt. Gen. Camilo Cascolan.
Sina Gamboa at Cascolan kabilang na si NCRPO Chief Guillermo Eleazar ay ilan sa pagpipilian para maging susunod na hepe ng PNP.
“As OIC, I take the responsibility to manage all activities of the PNP command group, ably assisted by 10 directorial staff. With this responsibility, I assure the continuous implementation of all ongoing campaign plans, on internal security, anti-criminality, anti-illegal drugs and anti-corruption in line with the national priorities and direction of President Rodrigo Duterte,” pahayag ni Gamboa sa mga reporters sa Camp Crame.
Sinabi ni Albayalde na simula kahapon siya ay nasa non-duty status at iiwanan niya ang kanyang puwesto sa Oct. 29 at magreretiro sa Nov. 8, sa edad na 56.
Magugunita na noong Oktubre 9, idiniin ni retired Gen. Rudy Lacadin na nag-imbistiga sa kaso ukol sa kuwestiyonableng drug raid sa Mexico, Pampanga noong 2013 - si Albayalde sa pagkasangkot umano nito sa mga “ninja cops” na nagre-recycle umano ng droga.
Nasabi raw noon ni Albayalde, na dating hepe ng Pampanga Police, na may “kaunting napunta” sa kaniya sa nabanggit na drug raid.
Si dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief at ngayong Baguio City Mayor Gen. Benjamin Magalong ang nag-atas kay Lacadin na imbestigahan ang kaso.
Pinabulaanan naman ni Albayalde ang mga akusasyon at sinabing paninira lamang ang bintang sa kaniya.
- Latest