Trader dinedo ng hired killer
MANILA, Philippines — Dead-on-the-spot ang isang negosyante na kapangalan ng sikat na billiard champion matapos na pagbabarilin habang nakatayo sa gilid ng kalsada sa kahabaan ng Jaen-Zaragoza Road na sakop ng Purok 2, Barangay San Vicente, Jaen, NE, kamakalawa ng gabi.
Ang nasawi dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay kinilalang si Efren Reyes, ng Cabanatuan City.
Sa ulat, bandang alas-6:45 ng gabi ay nakatayo ang biktima sa nasabing lugar nang huminto sa tapat niya ang isang kulay itim na motosiklong Honda Wave, sakay ang hindi pa nakikilalang suspek na nakasuot ng shorts, asul na jacket at asul na bull cap at walang kaabug-abog na pinagbabaril na agad nitong ikinasawi.
Agad na tumakas ang suspek sakay ng nasabing walang plakang motorsiklo patungo sa San Vicente-Ocampo Rivera Road sa nasabi ring bayan.
Pinag-aaralan ng pulisya ang nakuha nilang CCTV footage sa pahintu-hinto umanong pagdaan ng isang kulay brown na Isuzu Trooper na may plakang XJR98, maaari umanong naging back-up ito ng nakamotorsiklong gunman.
- Latest