2 libong bahay nasunog sa Parola

Kanya-kanyang hakot ng mga maisasalbang gamit ang mga residente ng Gate 1, Parola Compound sa nagaganap na sunog sa kanilang lugar kahapon. STAR/Edd Gumban

MANILA, Philippines - Aabot sa 2,000 bahay ang nila­mon ng apoy sa naganap na sunog kamakalawa ng gabi sa Parola Compound, Tondo, Maynila.

Batay sa ulat, pasado alas-6:00 ng gabi nang magsimula ang apoy sa lugar at nasunog ang nasabing kabahayan na gawa sa mga kahoy sa Gate 46 hanggang  Gate 64 ng Parola Compound ng  Barangay 275 sa District 3.

 Nahirapan ang mga bombero sa pag-apula sa apoy dahil walang makunang tubig malapit sa pinangyarihan ng insidente at masikip pa ang daanan.
Ganap na alas-6:41 ng umaga nang idineklara ng Bureau of Fire Protection (BFP) na kontrolado na ang sunog pero tuluyang na-fire out makalipas ang 12 oras.
Dalawang anggulo ang tinitingnan ng BFP na pinag-ugatan ng sunog, una ay electrical short circuit dahil sa mga posibleng “jumper” ng kuryente at pangalawa ay naiwan na pinaglutuan ng mga residente matapos na mag-away ang isang  nangungupahang mag-asawa.

Samantala, isa na namang sunog ang naganap sa Parola District 3, dakong ala-1:00 ng tanghali sa Gate1 ng Parola Compound District 1 na habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy ang sunog.

Show comments