Misis pinahiya, mister inutas

MANILA, Philippines - Marahil ay napun­di na ang isang misis sa kanyang mister na umano ay lagi siyang ipinapahiya sa ha­rap ng mga ka­inuman kung kaya’t sinaksak niya ito habang mahimbing na natutulog kamakalawa ng gabi sa Makati City.

Ang biktima na idi­nek­larang dead-on-arrival sa Makati Medical Hospital ay nakilalang si Octavio Elayda, Jr., 36, security inspector ng Superior Security Services, Inc., at residente ng Legaspi St., Brgy. Olympia ng lung­sod.

Arestado naman ang misis nitong si Annalyn Elayda, 32, na kinasuhan ng parricide.

Batay sa ulat ng pulisya, bago naganap ang pananaksak ng misis sa kanyang mister dakong ala-1:30 ng madaling-araw ay nakikipag-inuman muna ang biktima sa  mga kapitbahay nito.

Dito ay dumating si  Annalyn sa inuman at  pi­nakiusapan ang mister na umuwi na.

Napahiya umano ang mister kung kaya’t gumanti din ito at ipinahiya ang misis sa mga kainuman na nagresulta ng mainitang pagtatalo hanggang nagpasya na lamang umuwi ang mga ito.

Sa sobrang kalasingan ng mister ay agad itong nakatulog hanggang sa saksakin ng misis na noon ay galit na galit pa dahil sa pangyayari.

 

Show comments