Win no. 4 target ng Zus Coffee
MANILA, Philippines — Ang ZUS Coffee na lamang ang tropang malinis ang record sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference.
Target ang ikaapat na dikit na panalo, lalabanan ng Thunderbelles ang Petro Gazz Angels ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang salpukan ng nagdedepensang Creamline Cool Smashers at Chery Tiggo Crossovers sa alas-6:30 ng gabi sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.
Sa unang laro sa ala-1:30 ng hapon magkikita ang Galeries Tower Highrisers at Akari Chargers.
Magkasunod na tinalo ng ZUS Coffee (3-0) ang Chery Tiggo (1-3), Galeries Tower (0-4) at Creamline (2-2) para ilista ang franchise-best start sa Pool B.
Sa 25-27, 25-17, 25-20, 25-22 paggupo ng Thunderbelles sa Cool Smashers ay humataw si American import Anna DeBeer ng 37 points mula sa 35 attacks bukod sa 15 excellent receptions.
“Iyong kumpiyansa nabi-build, ‘yung skills lumalabas kapag meron kang teammate na ganyan. Everybody is stepping up, especially Anna,” ani coach Jerry Yee kay DeBeer na personal na pinanood ng kanyang inang si Sarah.
Muling makakatuwang ni DeBeer sina Fiola Ceballos, Jovelyn Gonzaga, Thea Gagate, AC Miner at setter Cloanne Mondoñedo.
Aasahan ng Gazz Angels sina American spiker Lindsey Vander Weide, Fil-Ams Brooke Van Sickle, MJ Phillips, Myla Pablo, Jonah Sabete at rookie setter Jules Tolentino.
- Latest
















