Choco Mucho bibinyagan sa Vietnam

MANILA, Philippines — Hahataw ang Choco Mucho Flying Titans laban sa mahuhusay na foreign teams sa 2023 Vietnam Television International Women’s Volleyball Cup na idaraos sa Agosto 19 hanggang 26 sa Lao Cai, Vietnam.

Mismong ang Flying Titans na ang nagkumpirma ng partisipasyon nito sa Vietnam event sa kanilang mga social media account.

Kaya naman nagha­handa na ang Flying Titans dahil matitikas na koponan ang makakaharap nito sa naturang Vietnam tournament.

Galing ang Flying Titans sa seventh place fi­nish sa Premier Volleyball League (PVL) Invitation Conference kamakailan.

Nasiguro ng Choco Mucho ang ikapitong puwesto matapos patumbahin ang Chery Tiggo sa classification round noong Hulyo 22.

Sa Vietnam, makakalaban ng Flying Titans ang iba’t ibang clubs teams at national teams.

Nagkumpirma na ng partisipasyon ang mga teams mula sa Japan, Australia, Mongolia, South Korea at host Vietnam.

Pangungunahan ang Flying Titans ni top scorer at outsdie hitter Sisi Rondina kasama sina wing spikers Des Cheng at Kat Tolentino.

Hahataw din sina middle blockers Bea De Leon at Maddie Madayag, playmaker Deanna Wong at libero Denden Lazaro-Revilla.

Magandang pagkaka­taon ito para mas mahasa ng husto ang Flying Titans lalo pa’t naghahanda ito sa Reinforced Conference na idaraos sa huling bahagi ng taon.

Show comments