Sotto, Thompson ‘di kasama

Sa China trip ng Gilas

MANILA, Philippines — Hindi rin kasama ng Gilas Pilipinas si Kai Sotto sa China para sa pocket tournament na bahagi ng kanilang final build-up bago ang 2023 FIBA World Cup sa Agosto 25 hanggang Setyembre 10.

Katulad ni Sotto na may iniinda pang back injury, nagpapagaling pa si Scottie Thompson sa metacarpal fracture injury sa kanang kamay na natamo niya sa European trip ng Gilas noong nakaraang buwan.

Si Thompson, reigning PBA MVP, ang starting point guard ng Gilas habang si Sotto naman ang inaasa­hang bumandera sa frontline ng Nationals sa gabay ni head coach at program director Chot Reyes.

Nauna nang inihayag ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na hindi na rin muna sasama sa China sina naturalized players Justin Brownlee at Ange Kouame.

May iniinda ring ankle injury si Brownlee na magpapahinga muna upang maghanda bilang pambato ng Gilas sa Asian Games sa Setyembre habang si Kouame ay naatasang samahan ang Rain or Shine sa William Jones Cup ngayong buwan.

Lumipad na kahapon pa-Guangdong ang Gilas para sagupain ang Se­negal at Lebanon sa 2023 Heyuan WUS Internatio­nal Basketball Tournament na inorganisa ng China.

Bukas magsisimula ang laban ng Gilas kontra sa Iran bago ang Senegal sa makalawa.

Muling maghaharap ang tatlong koponan sa dagdag na tune-up games sa Sabado at Linggo.

Dagdag na preparas­yon sa Gilas ang torneo sa China matapos magdaos ng training camp sa Estonia at Lithuania kontra sa European teams.

Show comments