Gray nagkaroon ng dislocated knee sa PBA On Tour

MANILA, Philippines — Inaasahang hindi makakapaglaro si Fil-American guard Jeremiah Gray para sa kampanya ng Barangay Ginebra sa darating na 2023 PBA Commissioner’s Cup sa Oktubre.

Kumalas kasi ang kanang tuhod ni Gray sa kanyang paglundag para sa isang layup sa 91-85 panalo ng Gin Kings kontra sa NLEX Road Warriors sa kanilang huling laro sa PBA on Tour sa Ynares Sports Center sa Pasig City noong Linggo.

Umalog ang nasabing tuhod ng sophomore guard para sana sa kanyang layup matapos maiwanan si Tony Semerad sa huling 22 segundo ng third period.

Kaagad inilagay si Gray sa stretcher at isinakay sa ambulansya para dalhin sa Medical City hospital kung saan siya sinamahan ni Ginebra coach Tim Cone.

Dahil sa injury ay posibleng hindi makita sa aksyon si Gray sa reinforced conference na pinagharian ng Gin Kings laban sa guest team na Bay Area Dragons noong nakaraang taon.

Tinapos ng Ginebra ang preseason tournament bitbit ang 6-5 record kung saan nagtala si Gray ng walong puntos, pitong rebounds at limang assists.

Nauna nang nagkaroon si Gray ng isang torn ACL bago nakita sa aksyon sa PBA Commissioners’ at Governors’ Cup tournaments.

Nangyari ito sa parehong Pasig City venue habang naglalaro para sa TN  Tropang Giga sa PBA 3x3 noong 2021.

 

Show comments