Golden lifters

Malayo sa ingay ng FIFA World Cup sa New Zealand at Australia, tahimik na nagpasiklab ang mga Filipino youth at junior weightlifters sa Asian championships sa Delhi-NCR, India.

Walastik ang kanilang performance kaya’t napabulalas si Samahang Weightlifting ng Pilipinas president Monico Puentevella na ready na sila sa Olimpiyada.

Tatlong araw pa lamang sa kompetisyon, humakot na ang mga pambato ni Cong. Monico ng kabuuang 16 golds, 10 silvers at four bronzes.

Testamento ito na hindi tumigil ang SWP sa trabaho at pinainit ang kanilang programa matapos ang milestone feat ni Hidilyn Diaz sa Tokyo Olympics.

Youth champs sina Alessandra Ann Diaz, Prince Keil Delos Santos, Eron Borres at Jhodie Peralta, kampeon sa juniors division sina Rose Jean Ramos at Rosegie Ramos at nanalasa sa youth at juniors sides sina Angeline Colonia at Albert Ian delos Santos.

At hindi pa tapos ang kanilang kampanya. Kahapon, malamang na tutuhog din ng medalya si Asian at SEA Games champion Vanessa Sarno.

“We brought 11 lifters with hopes that everyone wins a medal,” ani Puentevella.

Mas masarap pakingggan ang mensahe niya na ready na sila sa Olympics.

Mukhang hindi mapipigil ang paglaro ni Diaz sa isa pang Olympic Games sa Paris 2024.

At sa mga Pinoy weightlifters na nasa India nakikita ang mga matibay na panlaban sa 2028 Los Angeles Games.

Show comments