Williams binuhat ang tnt sa quarterfinals

Tinangkang supalpalin sa likod ng Terrafirma player ang layup ni Mikey Williams ng TNT.

MANILA, Philippines — Humataw si Season 46 Rookie of the Year Mikey Williams ng 31 points, 7 rebounds at 5 assists para igiya ang nagdedepensang TNT Tropang Giga sa 114-86 panalo sa Terrafirma sa PBA Philippine Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Ang pang-limang dikit na arangkada ng Tropang Giga ang nagtaas sa kanilang baraha sa 7-2 para angkinin ang unang quarterfinals berth.

Nalugmok naman ang Dyip sa ikaanim na sunod na kamalasan.

Naagaw ng Terrafirma ang 50-49 abante sa pagsisimula ng third quarter matapos maiwanan ng TNT sa first period, 14-31.

Isang 16-9 bomba ang inihulog ng Tropang Giga para kunin ang 76-58 bentahe sa 3:23 minuto ng third canto patungo sa 108-75 pagbaon sa Dyip sa huling 4:29 minuto ng fourth period.

“We were very business-like at halftime,” ani TNT coach Chot Reyes. “We knew that this was a tough team. We had no pretentions, no illusions about this being an easy game.”

Humakot si center Poy Erram ng 18 markers, 9 boards at 2 assists at may 15, 11 at 10 points sina RR Pogoy, Jjay Alejandro at rookie JD Tungcab, ayon sa pagkakasunod.

Sa ikalawang laro, dumiretso ang Barangay Ginebra sa ikatlong dikit na panalo matapos patumbahin ang Converge, 105-89, para sumosyo sa liderato sa paggiya ni assistant Richard Del Rosario.

Naglista si Season 46 MVP Scottie Thompson ng 24 points, 6 rebounds at 6 assists para sa 5-1 marka ng Gin Kings katabla ang San Miguel Beermen sa itaas ng team stan­dings.

Show comments