Paul bida sa pagsibak ng suns sa Pelicans
NEW ORLEANS — Humataw si Chris Paul ng perpektong 14-for-14 fieldgoal shooting para tumapos na may 33 points sa 115-109 pagsibak ng Phoenix Suns sa Pelicans sa Game Six ng kanilang Western Conference first-round playoff series.
Naglista rin si Paul ng 8 assists para sa top-seeded Phoenix na bumangon mula sa 10-point halftime deficit at tapusin ang kanilang serye ng New Orleans sa 4-2.
Lalabanan ng Suns ang Dallas Mavericks sa conference semifinals series.
Nagbalik sa laro si Devin Booker at nagtala ng 13 points, 5 rebounds at 3 assists para sa Phoenix na inagaw ang 106-104 abante sa huling 1:42 minuto ng fourth quarter.
Pinamunuan ni Brandon Ingram ang New Orleans sa kanyang 21 points at 11 assists.
Sa Salt Lake City, umiskor sina Luka Doncic at Jalen Brunson ng tig-24 points sa 98-96 pagpapatalsik ng Mavericks sa Utah Jazz sa Game Six ng kanilang first-round series.
Kumolekta rin si Doncic ng 9 rebounds, 8 assists, 2 blocks at 2 steal sa 4-2 pagsibak ng Dallas sa Utah na nakahugot kay Donovan Mitchell ng 23 points, 9 assists at 8 rebounds.
Matapos ang triple ni Brunson para sa 98-96 bentahe ng Mavericks ay natawagan si Jazz guard Mike Conley ng traveling sa huling limang segundo ng fourth period.
Sa Toronto, humakot si Joel Embiid ng 33 points at 10 rebounds at tumipa si James Harden ng 22 points at 15 assists sa 132-97 pagdomina ng Philadelphia 76ers sa Raptors sa Game Six ng kanilang Eastern Conference first-round series.
Tinapos ng Philadelphia ang kanilang duwelo ng Toronto sa 4-2 para harapin ang Miami Heat sa conference semifinals.
- Latest