Philadelphia wagi sa pagbabalik ni Embiid
PHILADELPHIA — Sa kanyang pagbabalik ay nagposte si star center Joel Embiid ng 24 points at 8 rebounds habang may 32 markers si Tobias Harris para banderahan ang 76ers sa 122-113 paggupo sa Minnesota Timberwolves.
Hindi nakita si Embiid sa 10 games ng Philadelphia (34-15) dahil sa bone bruise sa kanyang kaliwang tuhod.
Pinamunuan ni center Karl-Anthony Towns ang Minnesota (12-38) sa kanyang 39 points, 14 rebounds at 5 assists.
Sa Salt Lake City, tumipa si Donovan Mitchell ng 22 points at nagtala ang Utah Jazz (38-11) ng NBA record na 18 three-pointers sa first half para sa kanilang 137-91 pagmasaker sa Orlando Magic (17-32).
Sa Portland, nagtala si CJ McCollum ng 20 points para pamunuan ang walong Trail Blazers (30-19) na nagtala ng double figures sa kanilang 133-85 pagrapido sa Oklahoma City Thunder (20-29).
Sa Sacramento, nagpasabog si Jrue Holiday ng season-high 33 points bukod sa 11 assists at 7 rebounds para igiya ang Giannis Antetokounmpo-less Milwaukee Bucks (32-17) sa 129-128 pagtakas sa Kings (22-28).
Sa Washington, nagsumite si Luka Doncic ng 26 points at inangkin ng Dallas Mavericks (27-21) ang 109-87 tagumpay sa Wizards (17-31).
Sa Miami, humakot si Bam Adebayo ng 18 markers, 11 boards at 5 assists sa 115-101 pagsunog ng Heat (26-24) sa Cleveland Cavaliers (17-32).
Sa Detroit, humugot si Julius Randle ng 20 sa kanyang 29 points sa first quarter para akayin ang New York Knicks (25-25) sa 125-81 pagpapatumba sa Pistons (14-35).
Sa San Antonio, umiskor si Caris LeVert ng 26 points para sa 139-133 overtime win ng Indiana Pacers (22-26) sa Spurs (24-23).
- Latest