Nationals bugbog din sa Serbians
MANILA, Philippines — Tuluyan nang nagwakas ang tsansa ng Gilas Pilipinas na makapasok sa second round.
Ito ay matapos patumbahin ng World No. 4 Serbia ang World No. 31 Pilipinas, 126-67, para sa kanilang ikalawang sunod na panalo sa 2019 FIBA World Cup kagabi sa Foshan International Sports and Cultural Center sa China.
Nauna nang nakalasap ang Nationals ng 62-108 kabiguan sa World No. 13 Italy sa Group D.
Parehong may 2-0 record ang mga Serbians at Italians, pinabagsak ang mga Angolans, 92-61.
Nakatakdang sagupain ng Gilas Pilipinas ang World No. 39 Angola bukas ng alas-3:30 ng hapon para sa kanilang huling laro sa group stage.
Nahulog ang tropa ni coach Yeng Guiao sa classification round para sa No. 17-32.
Nagawa ng Nationals na kunin ang 9-7 bentahe bago maghulog ng 21-4 atake ang mga Serbians sa pagtatapos ng first period.
Matapos kunin ang 62-35 bentahe sa halftime ay lalo pang ibinaon ng Serbia ang Gilas Pilipinas sa 99-48 sa pagtiklop ng third quarter.
Samantala, boto naman si dating naturalized Gilas Pilipinas player na si Marcus Douthit kay San Miguel import Chris McCullough bilang susunod na naturalized player ng Nationals.
“Chris McCullough should be the next naturalized big to carry Gilas. Just my thoughts,” wika ng 39-anyos na si Douthit.
Nang simulan ang Gilas Pilipinas program noong 2009 ay si Douthit ang kinuhang naturalized player ng Nationals.
Ginabayan ni Douthit ang Gilas sa silver medal finish noong 2013 FIBA Asia Championship para makalaro sa FIBA World Cup noong 2014.
Huling naglaro si Douthit sa Gilas noong 2014 Asian Games bago palitan ni Andray Blatche bilang naturalized player.
Sa edad na 33-anyos ay hindi na bumabata si Blatche at maaari na siyang palitan.
Isa na rito ang 24-anyos na si McCullough na nagpahayag ng kagustuhang maging bahagi ng Gilas Pilipinas makaraang igiya ang San Miguel sa korona ng 2019 PBA Commissioner’s Cup.
- Latest