Texters, Beermen unahan sa 1-0 lead
MANILA, Philippines — Hindi pa man natatapos ang kani-kanilang mga semifinals series ay inaabangan na ng mga fans ang paghaharap nina super imports Terrence Jones ng TNT Katropa at Chris McCullough ng San Miguel.
Ngayong alas-6:30 ng gabi ay matutunghayan ang bakbakan ng dalawang dating NBA cagers.
“We’re going to come out excited and trying to get something special done that hasn’t happened for our organization in a long time,” sabi ng 27-anyos na si Jones sa banggaan nila ng 24-anyos na si McCullough.
Maglalaban ang Tropang Texters at Beermen ngayong alas-6:30 ng gabi sa Game One ng 2019 PBA Commissioner’s Cup Finals sa Smart Araneta Coliseum.
Kapwa tinapos ng TNT Katropa at San Miguel ang kanilang mga best-of-five semis wars sa 3-1 kontra sa barangay Ginebra at Rain or Shine, ayon sa pagkakasunod.
Sinabi ni McCullough na hindi pa niya alam kung siya ang dedepensa kay Jones, nagposte ng limang triple-double sa torneo.
“Let’s play basketball,” ani McCullough kay Jones. “In practice we’re gonna have to figure it out, see what we’re gonna do. Matchup-wise, I don’t know yet. We’ll figure it out.”
Pinadapa ng Tropang Texters ang Beermen, 110-97, kung saan si one-time PBA Best Import Charles Rhodes ang nakaharap ni Jones.
Naglaro ang 6-foot-8 na si Jones sa NBA para sa Houston Rockets, Milwaukee Bucks at New Orleans Hornets, habang kumampaya ang 6’8 ding si McCullough para sa Brooklyn Nets at Washington Wizards.
“This will be the toughest championship series for us,” sabi ni San Miguel coach Leo Austria sa TNT Katropa nina mentor Bong Ravena at active consultant Mark Dickel. “They’re really playing at the highest level. They’ve transformed their team into a championship caliber team.”
Huling nagharap sa PBA Finals ang Beermen at Tropang Texters kung saan tinalo ng San Miguel ang TNT Katropa, 4-2, para sa korona ng 2017 PBA Commissioner’s Cup.
“Hindi ko na maalala kailan last namin. Sana this time makuha namin,” ani Jayson Castro sa TNT Katropa na naghari noong 2015 PBA Commissioner’s Cup.
- Latest