San Juan sumulong
MANILA, Philippines – Tuluyan nang sinibak ng San Juan Knights ang Quezon City Capitals sa pamamagitan ng 106-81 panalo para umabante sa championship round ng 2019 MPBL Datu Cup North Division.
Humugot ang Knights ng malaking produksyon mula kina veterans Mac Cardona at John Wilson para walisin ang Capitals sa kanilang best-of-three semifinals series at hihintayin na lamang ang mananalo sa semis showdown ng Bataan at Manila sa Lunes.
Tumapos si Cardona na may 26 points sa kanyang 11-of-20 fieldgoal shooting bukod pa sa 8 assists at 7 rebounds para sa San Juan habang nagdagdag si Wilson ng 19 markers, 6 rebounds at 4 assists.
Samantala, humirit naman ng isang ‘do-or-die’ game ang Manila Stars matapos patumbahin ang Bataan Risers sa kanilang 80-76 tagumpay.
Sinandalan ng Stars sina Chris Bitoon at Mark Lopez para puwersahin ang Risers sa kabuuang 17 turnovers na nagresulta sa 17 turnover points.
Binanderahan ni Aris Dionisio ang Manila sa kanyang 23 points, ang 15 ay iniskor niya sa second half para pigilin ang Bataan sa pagpasok sa division finals.
Humakot naman si big man Riel Cervantes ng 10 sa kanyang 14 points sa second half para makatulong sa Stars, samantalang nagposte si Marcy Arellano ng triple-double mula sa kanyang 13 points, 10 rebounds at 10 assists.
Tumapos si Bitoon na may 12 markers.
- Latest