^

True Confessions

Ang Babae sa Silong (60)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

“Ikaw lang ang pagtatapatan ko ng mga kinikimkim sa buhay Dado. May mga kaibigan ako pero hindi ako sure kung mauunawaan nila ako sa mga nangyayari sa buhay ko. Ikaw at least, napatunayan ko na handa kang tumulong. Sana maunawaan mo ako…’’

“Oo naman. E, ano ba ang mga gumugulo sa’yo. Ano ba ang mga kinikimkim mo at parang ga-bundok nga ang pasan-pasan mo.’’

Tumingin muna nang makahulugan si Gab kay Dado bago nagsimulang magkuwento. Naghihintay naman si Dado sa mga ikukuwento ni Gab.

“Hiwalay ang mga magulang ko Dado – ilang taon na rin. Si Mama ay nasa probinsiya samantalang si Papa ay narito sa Maynila. Mayroon nang ibang pamil­a si Papa. Mayroon akong dalawang kapatid na lalaki.

‘‘Nung hindi pa naghihiwalay sina Mama at Papa, marami akong pangarap. Kapag nakatapos ako ng kolehiyo ay gusto kong magtrabaho sa TV dahil commarts ang natapos ko. Pero nang maghiwalay sina Mama at Papa, nasira ang plano ko. Dati si Mama ang namamahala sa isang canteen sa UST pero nang mangyari ang trahedya ng pagsasama nila ni Papa ay binitawan na niya ang posisyon pero kasosyo pa rin siya hanggang ngayon sa canteen. Ako ang kumukuha ng suweldo ni Mama buwan-buwan.

“Si Papa naman ay ma­ganda rin dati ang trabaho sa isang kompanya ng gamot pero nang mahumaling sa babae, nagkaletse-letse na ang buhay namin. Hindi na umuuwi sa aming bahay sa Legarda. Hanggang sa isang araw, tuluyan na nga kaming iniwan. Hindi na kami sinuportahan. Ang matindi, naibenta pa ang bahay at lupa namin sa Legarda. Kasi’y bukod sa pambababae, nalulong din pala sa sugal si Papa at ang bahay namin ang naiprenda. Napilitan kamin mangupahan.

Dumanas ng depression si Mama dahil sa nangyari. Hanggang sa magdesisyon na ngang iwan ang pamamahala sa canteen.

‘‘Magtatapos na ako sa kolehiyo nang mangyari ang paghihiwalay. Yung dalawa kong kapatid ay parehong nasa kolehiyo rin. Pero dahil sa pangyayari, napilitang huminto.

“Si Mama ay lagi pang tulala. Laging nag-iisip. Dahil ako ang panga­nay, ako ang labis na apektado. Ako ang nagpapa-san. Ako ang nag-iisip ng paraan kung paano kami makakaahon sa buhay.

“Hanggang sa maisip ko na dalhin na lang sa probinsiya si Mama. Mayroong namana si Mama kaya doon namin siya dinala. Sa awa ng Diyos, nang nasa probinsiya na si Mama, nanumbalik ang sigla niya. Nawala na ang depression. Naging masayahin na.’’ (Itutuloy)

vuukle comment

GAB

Philstar
x
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with