NATULALA si Jambo sa bilis ng pangyayari. Hindi agad siya nakakilos sa pagkakaupo.
“Bababa ka o babarilin kita!” sabing malakas ni Brenda. Naka-helmet pa siya kaya hindi siya nakikilala ni Jambo.
Saka lamang dahan-dahang kumilos si Jambo. Binuksan ang pinto at lumabas.
Pero bago pa siya tuluyang nakalabas, pinalo siya ni Brenda ng puluhan ng baril. Sapol sa panga. Sa lakas nang pagkakapalo, nawalan ng panimbang at bumagsak si Jambo sa may pinto.
“George, buhatin natin ito sa loob ng kotse.’’
Pinagtulungan nilang binuhat si Jambo.
Nang mailagay sa hulihang upuan. Kinuha ni Brenda ang tape at tali sa kanyang backpack. Piniringan si Jambo at binusalan ang bibig. Tinalian ang kamay at mga paa.
Si George naman ay mabilis na iniwan ang motorsiklo sa damuhang bahagi.
Nang matapos si Brenda sa ginagawa kay Jambo, inutusan nito si George na paandarin na ang kotse.
“Alis na tayo! Bilisan mo, George!’’
Binilisan ni George ang pagpapatakbo. Patungo sa direksiyon ng Cavite. Sinusulyapan ni Brenda si Jambo sa likuran. Wala pa rin itong malay.
“Makakaganti na rin ako sa hayop na ito!’’
“Mukhang patay na yata, Bren?”
“Hindi. Buhay pa ‘yan.’’
“Ba’t di mo pa tuluyan para pagdating sa Indang, itatapon na lang natin sa bangin at tapos ang problema.’’
“Huwag muna. Gusto ko danasin niya ang hirap. Gaya nang ginawa niya sa akin nun.’’
“Sige ikaw ang bahala. Sunud-sunuran lang naman ako sa’yo.’’
“Pagnatapos ito, maligaya na ako.’’
“Pati ako maligaya rin, he-he-he!”
“Bilisan mo pa George! Baka abutin tayo ng umaga.’’
Tinapakan pa ni George ang gas pedal at para silang bininit na palaso sa bilis.
Nakatingin sa kanilang dinaraanan si Brenda.
Hindi siya nakakaramdam ng antok o kaya’y pagod.
Hanggang sa marating nila ang lugar. (Itutuloy)