Ahas sa Garden (256)

“MARAMING salamat sa iyo, iho. Ano ba ang name mo?’’ tanong ni Sir Nath sa delivery boy.

“Simon po. Ikaw po Sir ano pong name mo?’’

“Sir Nath.’’

 “Baka po meron ka pang iuutos, Sir Nath. Baka po kulang ang gamot na binili ko dahil iisa lang. Ibibili po uli kita.’’

“Tama na ito. Isa pa wala na akong pera. Pero okey na ito, gagaling na ako. Salamat Simon, hindi kita malilimutan, iho.’’

“Salamat din po Sir.’’

Dahan-dahang isinara ni Sir Nath ang pinto.

Sumakay na ng elevator si Simon. Habang nasa loob, bigla niyang naalala kung saan nakita si Sir Nath.

Sa FB! Nabasa niya sa FB at doon nakita ang picture ni Sir Nath! Kung hindi siya nagkakamali, ipinananawagan si Sir Nath ng anak nitong babae. Natatandaan niya na nakikiusap ang nana-nawagan na kung sinuman ang nakakilala o nakakita kay Sir Nath ay ipagbigay-alam lamang sa phone number na nakasaad sa panawagan.

Pero bakit kaya nana-nawagan ang anak sa ama e sa magarang condo naman ito nakatira.

Pero hindi na mahalaga iyon para kay Simon, ang iniisip niya, dapat masaklolohan ang matanda dahil may sakit ito. Hindi makakilos. Ni hindi nga makainom ng gamot. Kailangan pa niyang subuan ng gamot ang matanda.

Nagmamadaling bumalik si Simon sa kanilang kompanya at binuksan ang kanyang FB para hanapin ang naka-post na panawagan.

Hanggang sa makita niya.

Tama nga na ang anak nitong si Cindy ang nana-nawagan. At Nathaniel ang name ng kanyang ama. Si Sir Nath nga!

Dali-daling dinayal ni Simon ang cell number na nakasaad sa panawagan. Kailangang malaman ng anak nitong si Cindy ang kinaroroonan ng ama.

(Itutuloy)

Show comments