Ahas sa Garden (211)

INABOT ng madaling araw sa casino sina Sir Nath at Brenda. Pero sulit ang ka­nilang pagtungo sa casino sapagkat pareho silang nanalo. Malaki ang napanalunan nila.

Habang palabas ng casino, hindi mailarawan ang kasiyahan ni Sir Nath.

“Sabi ko na sa’yo Babe, susuwertihin tayo. Nadoble ang pera natin, ha-ha-ha!’’

“Sinuwerte ka dahil ka­sama mo ako. Lucky charm mo ako di ba?’’

“Oo. Masuwerte ka ngang kasama. Bukas balik uli tayo ha, Babe?’’

“Oo. Kakaiba ang karanasan dito, Babe.”

“Nakapag-casino ka na rin ba o first time mo ito?’’

“Nakapag-casino na ako. Pero matagal na yun.’’

“Nanalo ka?”

“Oo. Kaunti lang.’’

“Ako madalas nun dito. Pero mula ng mag-live-in tayo at naging busy ako sa negosyo e kinalimutan ko ang casino. Pero nga­yon na wala nagha­hanap tayo nang mapaglilibangan, mag-casino na lang. Sigurado ako, susuwertihin uli tayo bukas.’’
“Feel ko rin, Babe, ha-ha-ha!’’

Kinabukasan, nag-casino uli ang dalawa. Mas maaga silang nagtungo roon para makarami ng panalo.

At talagang may dala yatang suwerte si Brenda sapagkat nanalo na naman si Sir Nath. Malaki ang napanalunan. Siya ang minalas sapagkat walang napanalunan.

“Minalas ka ngayon, Babe. Bumawi ka bukas!’’

“Oo. Babawi ako!’’

“Ako ang talagang masuwerte! Nadagdagan na naman ang milyones ko.’’

Napahinga nang mala­lim si Brenda.

Babawi siya bukas.

 

SAMANTALA, napapan­sin pa rin ng maid na si Ester ang paglabas-masok ng mga van sa mansion na dating pag-aari ni Sir Nath. Mas maraming dumarating na sasakyan kung gabi.

Isang madaling araw, nagising si Ester at nang sumilip siya sa bintana, may 10-wheeler container truck na pumasok sa gate.

Halos kapareho rin ng container na van na pumasok ilang linggo na ang nakararaan. Ano kaya ang laman ng container van?

Makalipas ang isang oras, lumabas na ang container truck. Naidiskarga na ang laman.

Talagang nagtataka siya kung anong karga­mento ang dinala ng truck. Mukhang malaking karga­mento ang dala. Sa pagkakaalam niya, galing ng Customs ang mga ganoong klase ng container truck.

(Itutuloy)

Show comments