Ahas sa garden (169)

SI Manang naman ng mga sandaling iyon ay nakituloy sa isa niyang kamag-anak. Ipinagtapat niya sa mga ito ang nangyari sa pinaglilingkurang bahay na muntik na siyang mapatay ng babaing ka-live-in ng kanyang amo. Nakatakas lang siya kaya hindi natuloy ang balak sa kanya.

“Bakit hindi mo ireport sa mga pulis, Manang?’’ tanong ng kanyang pinsang lalaki.

“Ayaw kong malagay sa kahihiyan ang amo kong lalaki, pinsan.’’

“Pero muntik ka nang ma­patay ng ka-live-in niya. Dapat magreklamo ka.’’

“Ang gusto ko, makausap nang personal ang amo kong lalaki. Ipagtatapat ko sa kanya ang lahat.’’

“May number ka ba niya?’’

“Nasa aking cell phone pero nasira na dahil ibinato ng ka-live-in nang mag-away kami. Nahuli kasi na isinusum­bong ko siya.’’

“Problema ‘yan kung paano mo masasabi ang problema sa amo mo.’’

“Meron pa akong isang pro­blema. Yung gardener namin ay nasa mansion pa at maa­aring nasa panganib ang buhay. Ma­aaring patayin siya ng amo ko.’’

“Teka, teka, naguguluhan ako. Ano naman ang papel ng gardener at mukhang lumalawak ang problema.’’

“’Yung gardener e may re­lasyon sa ka-live-in ng amo ko. Pero nangyari iyon dahil sa pang-aakit ng ka-live-in ng amo ko. Nilason niya ang isip kaya ayun, naging biktima niya. Dahil dun maaaring mapatay siya ng amo ko dahil pinagtaksilan siya --- parang nagmistulang ahas na tinuklaw siya sa likod.’’

“Masalimuot pala ang problema mo Manang.’’

“Kaya nga naguguluhan ako. Hindi ko alam ang mga gagawin.’’

“Siguro, dapat mong una­hing makausap ay ang amo mong lalaki. Siya lamang ang maaaring makapagpasya. Ipa­liwanag mo sa kanya ang mga nangyari.’’

“Palagay ko tama ka, ka­ilangang makausap ko sa lalong madaling panahon ang aking amo.’’

“Puntahan mo na siya nga­yon din at baka may mang­yari pang hindi maganda.’’

“Oo. Pupunta ako. Kaila­ngang malaman ni Sir Nath ang lahat.”

Nagtungo si Manang sa mansion para makausap si Sir Nath.

Habang sakay ng dyipni, nagulat siya nang makita ang isang lalaki. Pinagmasdan niya. Hindi siya maaaring magkamali!

Si Alexis!  (Itutuloy)

Show comments