Sa Piling ng Kalapati (124)

MATAGAL nang nakalabas sa kanyang opisina si Joshua Villa ay natitigilan pa rin si Ruth. Para bang naengkanto siya at nawala sa sarili. Hindi niya alam kung ano ang nangyayari sa kanya makaraang ma­kaharap si Joshua. Totoo kayang mag-oobserba ang guwapong iyon.

Maraming katanungan na sumiksik sa isipan niya. Bakit sa dinami-dami ng departamento ay dito pa sa kanya sumiksik para mag-observe? At ano kayang klaseng pag-oobserve ang gagawin? Ano kayang gustong mangyari ng Joshua na iyon? At totoo kayang walang alam ang father nito na si Sir Pablo? Parang hindi siya makapaniwala.

Nasa ganoon siyang pag-iisip nang hindi niya namalayan ay nasa harap na pala niya ang tauhan na si Menchie.

“Hoy Bruha, gising!’’

“Menchie!’’

“Ang lalim ng iniisip mo, Bru. Si Pogi ba ang iniisip mo? Nakita ko galing siya rito. Anong sinabi ni Pogi? Ang tagal n’yong nag-usap a! Pumorma na ba. Bru?’’

“Tumigil ka nga Menchie at baka may makarinig! Mag-oobserve raw dito sa department natin.’’

“Mag-oobserve? Anong ioobserve niya?’’

“’Yun ang sabi eh. Sino naman ako para urirain ang gagawin niya rito e ‘di sinibak ako ni Bossing.’’

“Ano kayang ioobserve ni Pogi? Bah kung gusto niya e ako ang i-observe niya. Willing akong pa-observe kahit maghapon.’’

Napahagikgik si Ruth.

“Puro ka biro, Menchie. Yun lang ang dahilan kaya nagpunta rito si Joshua.’’

“Hmmm, ano ka­yang dahilan at dito mag-oobserve? Nahihiwagaan ako.’’

NANG umuwi ng gabing iyon si Ruth ay masaya siya. Nakangiti nang pumasok sa pinto. Napansin ni Mommy Donna.

“Masaya ka yata Ruth.’’

“May ikukuwento ako sa’yo Mommy.’’

(Itutuloy)

Show comments